Home OPINION PROBLEMA VS IMPEACH

PROBLEMA VS IMPEACH

180
0

MARAMI ang mga problema ng mahal kong Pinas na sa tingin ng marami ay higit na mahalaga kaysa sa impeachment.

Halimbawa ang problema sa empleyo, kahirapan at gutom

9.15M UNEMPLOYED, UNDEREMPLOYED

Kung wala kang trabaho o empleyo o kulang ang trabaho mo, ano sa palagay mo ang mangyayari sa iyo?

Lalo na kung ikaw ang padre o madre de pamilya o sandalan sa buhay ng ng pamilya?

Ayon sa Philippine Statistics Administration, mga Bro, may kabuuang 50.74 milyong obrero sa Pinas na nagkakaedad ng 15 pataas o senior citizens nitong nakaraang Abril 2025.

Ngunit mula sa 50.74M, nasa 48.87M lang ang may trabaho at 7.09M dito ang kulang na kulang sa kita kaya gusto nilang magkaroon ng dagdag na trabaho o pagkakitaan habang may 2.06M ang wala talagang trabaho o tambay.

Hindi lang mga obrero sa mga kabayanan at kalunsuran ang apektado ng mga unemployed at underemplolyed kundi ang mga nasa kanayunan at nabubuhay sa agrikultura.

Ayon kay Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairman Danilo Ramos, mahigit 609,000 agricultural jobs ang nawala mula Marso 2024 hanggang Abril 2025, kabilang na ang 483,000 sa palay.

BUNGA NG UNEMPLOYMENT, UNDEREMPLOYMENT

Kahirapan at gutom ang bunga ng kawalan ng trabaho o unemployment o underemployment o kakulangan ng trabaho o kita kahit may trabaho.

Ayon sa Social Weather Station na nagsarbey nitong Abril din, may 14.1M Pinoy na nagsabing mahihirap sila, kasama na 2.2M nagsabing bago lang sila na mahirap, 2.3M na dati nang mahirap at 9.5M talagang mahirap mula’t sapul.

At dahil kakambal lagi ang gutom ng paghihirap, heto rin ang nagsabing salat sila sa pagkain.

Nasa 41 porsyento sa buong populasyon ng Pinas ang nagsabing sila’y food poor o salat sa pagkain habang nasa 7% ang nagsasabing sila’y alanganin sa salat at may sapat na pagkain.

Kapag pinagsama mo ang mga salat at alanganin ang kalagayan sa pagkain, anak ng tokwa, 40% ‘yan na maliwanag.

Halimbawang may 100 milyon ang Pinoy, 41M ang nakararanas ng gutom at 7M ang alanganin ang laman ng sikmura.

Sa isang tingin, hindi nagtutugma ang bilang ng mga walang trabaho at kulang sa trabaho sa ilalim ng sarbey ng PSA at ang bilang ng mga naghihirap at nagugutom sa sarbey ng SWS.

‘Yun bang === sobra-sobra ang bilang ng naghihirap at nagugutom sa SWS survey sa 48M kumpara sa 9.15M unemployed at underemployed.

Ngunit kung iisipin nating higit na nakararami sa 48.87M may trabaho ang wala pa sa minimum na sahod, hindi nga kaya magbubunga ito ng halos kalahati ng 100M Pinoy ang naghihirap at nagugutom?

LULONG SA IMPEACHMENT AT PULITIKA

Sa ngayon, nakabibingi ang mga boses ng maraming kongresman na napilitang pumirma umano sa impeachment sa takot na mawalan sila ng pondo, ayon kay Navotas Cong. Toby Tiangco, ilang senador at taga-Malakanyang ukol sa impeachment, kasama ang mga influencer sa pulitika gaya ng ilang pinuno o samahan sa mga eskwela.

Pinalalabas nilang ang impeachment ang pinakamahalagang usapin ng ating lipunan at nakasalalay ang kinabukasan ng buong bansa anomang ang resulta nito.

Paano kaya kung unahin muna ng mga utak-impeachment na ito na may koneksyon sa agawan sa pwesto hanggang 2028 presidential election ang boses ng mga unemployed, underemployed, naghihirap at nagugutom na higit na mahahalagang usapin para sa buong bayan kaysa sa impeachment?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here