
MALAPIT na ang Miyerkules o Hunyo 11, 2025 na iskedyul sa Senado upang buo na magdesisyon ang 23 senador kung simulan na o hindi ang paglilitis sa impeachment sa loob ng ika-19 Kongreso.
Ito’y sa ilalim ng paninindigan ni Senate President Chiz Escudero na the “Plenary (kabuuang Senado) is supreme” o pinakamakapangyarihan sa paggawa ng desisyon sa usaping ito.
Halimbawa namang mananaig ang sapat na bilang ng 23 senador pabor sa pagsisimula ng impeachment ngayong ika-19 Kongreso na may buhay lang hanggang alas-12 ng tanghali sa Hunyo 30, 2025, matatapos ba nilang litisin at gumawa ng desisyon para sa conviction o acquittal hanggang tanghali sa nasabing petsa?
Para maging malinaw, sa Hunyo 11, kung mananaig ang pro-impeachment na mga senador, bubuin ang Impeachment Court, babasahin sa harap nito ng prosekusyon ang Articles of Impeachment at kasunod nito ang pag-iisyu ng summons o pag-obliga sa nasasakdal na magpakita o sumagot sa loob ng 10 araw matapos na matanggap nito ang summons.
Tingnan natin ang kalendaryo, mga brad.
Mula Hunyo 11, 2025 na paglalabas ng summons na karaniwang ipinadadala sa Post Office, kailan ito makararating sa kamay ng akusado at paano at hihingi siya ng ekstensyon o palugit na ilang araw para sagutin ang mga bintang, gaya ng nangyayari sa ordinaryong proseso sa mga korte at mapagbibigyan siya bilang bahagi ng due process?
Isa pa, pagkatapos ng Hunyo 11, susunod ang Hunyo 12 na Araw ng Kalayaan at Huyo 13 na karaniwang walang pasok sa Senado at sa Hunyo 14, recess o adjournment na ng buong Kongreso, Senado at Kamara, at babalik lang sila para magsesyon sa Hulyo 28, 2025.
Isang tanong: Mapupwersa ba ang 23 senador sa ika-19 Kongreso na magsagawa ng paglilitis sa mga araw ng adjournment hanggang sa malusaw ang Kongresong ito sa hapon ng Hunyo 30, 2025?