MANILA, Philippines – Sususpendihin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kanilang rehabilitasyon ng EDSA sa Semana Santa, sinabi ni Secretary Manuel Bonoan.
Sinabi ni Bonoan na ito ay dahil sa nagpapatuloy na preparasyon para sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) meeting.
Ayon kay Bonoan, ang gagawin lamang muna nila ay ang paglalagay ng detour bridges, sa southbound at northbound lane.
Kapag natapos aniya ang ASEAN meeting ay saka nila kukumpunihin ang dalawang istruktura.
Sinabi ni Bonoan na sisimulan ng ahensya ang kanilang operasyon sa May 15.
Nauna nang sinabi ni DPWH NCR Director Lorie Malaluan na ang rehabilitasyon ay gagawin sa isang northbound at 15 southbound segments para mapabuti ang road-riding surface, tibay ng pavement, at ang pangkalahatang kaligtasan ng riding public.
Magsisimula ang proyekto sa northbound section, ani Malaluan, habang naghihintay ng procurement para sa southbound segments at ang paglalabas ng alokasyon mula sa Department of Budget and Management (DBM).
Magsisimula ang pagsasaayos sa northbound lane sa Balintawak hanggang Monumento, habang ang mga katulad na gawain sa southbound lane ay magsisimula mula sa Monumento hanggang Roxas Boulevard.
Kasama sa mga pagsisikap sa rehabilitasyon ang paglalagay ng mga reinforcement sa konkretong semento ng EDSA, at pagpapatong ng aspalto sa pagpapakilala ng mga anti-rutting modifier.
Sinabi ni Malaluan na ang pagkukumpuni ay nagkakahalaga ng P300 milyon para sa isang northbound segment, at humigit-kumulang P7 bilyon para sa 15 southbound segment. Jocelyn Tabangcura-Domenden