
NAGBUKAS na ang school year 2025-2026.
Ngunit sinalubong na naman ang mga mag-aaral ng dati na ring problema sa sektor ng edukasyon, partikular ang kakulangan ng silid-aralan hanggang sa mga kagamitan at mga guro.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na aabutin nang hindi bababa sa 55 taon bago pa matugunan ang kakulangan ng 165,000 classrooms.
Hiwalay namang problema ang kakapusan sa mga guro.
Noong nakaraang taon, humingi ng pondo ang Kagawaran ng Edukasyon para kumuha ng karagdagang 56,060 guro para sa taong panuruan 2025-2026.
Nabawasan ang kakulangan nang kumuha ng 22,000 para sa 2024 at 20,000 sa taong ito. Ngunit kinapos na naman sa mahigit 30,000.
Sinabi ni Angara sa komite sa pananalapi ng Senado, libo-libong guro ang umaalis sa sistema ng pampublikong paaralan bawat taon. Hindi naman agad makakuha ng mga kapalit.
Maraming guro ang umaalis sa pagtuturo para maghanap ng kapalaran sa ibang bansa o upang maging katulong ng mga banyaga.
Pakiramdam ng ilang guro, walang mapapala ang kanilang karera sa ating bansa. Kaya ang ilan, pinipirata ng mga paaralan sa ibang bansa para magturo ng Ingles.
Bukod sa hindi sapat na sweldo, ang mga guro sa pampublikong paaralan ay binibigyan ng mga tungkulin na hindi pagtuturo, kabilang ang gawaing administratibo.
Sinabi ni Angara na inirekomenda nang alisin ito ngunit hindi pa naaksyonan. Maraming guro ang nahihirapan sa ganitong sitwasyon kaya umaalis na lang sa pagtuturo.
Sinabi ng DepEd sa Senado na ang mismong proseso ng pagkuha sa mga bagong guro ay nakapapagod at lalong nagpapabagal sa pagpupuno ng mga bakante.
Kailangan din ng mga guro ang patuloy na upskilling, lalo’t bumibilis ang pag-unlad ng teknolohiya. Maaari itong magamit upang mapadali ang edukasyon.
Sa loob ng mahabang panahon, bumababa ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas na siyang sanhi sa pagkadiskaril ng pambansang kaunlaran.
Kailangan na ng malaking pamumuhunan sa pampublikong edukasyon, na may diin sa lakas ng pagtuturo. Ang kalidad ng edukasyon ay nakasalalay sa kamay at kakayahan ng ating mga guro.