MANILA, Philippines- Pumalo na ang bilang ng election gun ban violators na nadakip ng mga awtoridad sa 554, sabi ng Commission on Elections (Comelec), ayon sa ulat nitong Sabado.
Hanggang alas-7 ng gabi nitong Biyernes, 521 sibilyan, 18 security guards, apat na miyembro ng Armed Forces of the Philippines, apat na dayuhan, at iba pa ang nadakip sa paglabag sa gun ban na umiiral mula January 12.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na patuloy na pinaaalalahanan ng poll body ang publiko na tumalima sa election law, kabilang ang gun ban.
Epektibo ang election gun ban hanggang June 11, 2025.
Ani Garcia, ang mga mapapatunayang lumabag sa election gun ban ay maaaring maharap sa pagkakakulong at diskwalipikasyon mula sa opisina.
Nagsimula ang election period para sa May 2025 midterm national and local elections noong January 12.
Upang maiwasan ang election-related violence, nagpatupad ng mas mahigpit na security measures, kabilang ang gun ban at paglalagay ng checkpoints.
Kasado ang araw ng halalan sa May 12, subalit maaari nang bumoto ang overseas voters mula April 13 hanggang May 12, habang ang local absentee voters ay pwedeng bumoto mula April 28 hanggang 30. RNT/SA