Home METRO 3 arestado sa ilegal na droga

3 arestado sa ilegal na droga

MANILA, Philippines- Tatlong lalaki na pawang high value individual ang naaresto sa buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Drug Enforcement Unit at San Pablo City Police Station, matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P680,000 kaninang madaling- araw sa Barangay San Francisco sa lungsod ng San Pablo, Laguna.

Ang mga suspek na naaresto na kapwa nasa Laguna PPO Drug watch list at tinukoy na high value individual ay kinilala sa mga alyas Darren 37, Darwin 39, at Bryan 37, na pawang residente ng nabanggit na lungsod.

Base inisyal na report sa tanggapan ni PBGen. Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng PRO4 Calabarzon, dakong alas-12:30 kaninang madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation makaraang magpanggap na buyer ang isang pulis na humantong sa pagkaaresto sa tatlong suspek.

Narekober sa mga suspek ang knot tied transparent plastic na hinihinalang naglalaman ng shabu na humigit-kumulang 100 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P680,000, gayundin ang ginamit na buy-bust marked money.

“Saludo ako sa kasipagan at kagalingan ng ating mga operatiba mula sa Drug Enforcement Unit ng Laguna at San Pablo CCPS. Ang pagkakahuli sa mga suspek na ito ay isang malaking tagumpay sa ating kapulisan at mga mamamayan ng San Pablo,” ayon kay PBGen. Lucas.

Samantala, ang tatlong suspek ay kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article II of RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act 2002), habang ang mga narekober na ebidensya ay dinala sa tanggapan ng Laguna Provincial Forensic Unit para sa isasagawang Drug Test and Laboratory Examination. Ellen Apostol