MANILA, Philippines – MASYADO pang maaga para pag-usapan ang politika lalo pa’t masyado pang abala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para tugunan ang mga kinahaharap na hamon ng bansa lalo na sa gitna ng labanan sa Gitnang Silangan.
Inihayag ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro bilang tugon sa tanong kung may napipisil na si Pangulong Marcos na magiging ‘manok’ nito sa 2028 election.
“Sa ngayon, sa paningin ng Pangulo ay napakaaga pang pag-usapan kung sino ang tatakbo sa pagka-pangulo sa susunod na eleksyon,” ayon kay Castro.
“Tutok ang Pangulo sa pagta-trabaho, tutok ang Pangulo lalong-lalo na sa mga nangyayaring sigalot sa Middle East para tuloy-tuloy ang supply ng produktong petrolyo sa ating bansa. Hindi focus ng Pangulo ang politika sa ngayon. Trabaho muna,” aniya pa rin. Kris Jose