MANILA, Philippines – Magpapatupad ng dalawang programa ngayong linggo ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa mga manggagawang apektado ng masamang panahon dulot ng sunod-sunod na bagyo noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na nagsagawa ang DOLE regional offices ng profiling ng mga manggagawa sa ilang lugar na apektado ng pagbaha dahil sa tropical storms Crising at Dante, at bagyong Emong, gayundin ang habagat.
Bibigyan ang mga apektadong manggagawa ng emergency employment at livelihood assistance, ayon kay Laguesma.
Sa ilalim ng temporary emergency employment program, ang mga apektadong indibidwal ay bibigyan ng 10 hanggang 30 araw na community work, partikular sa panahon ng sakuna at kalamidad, na nagbibigay-daan sa kanila na mag-ambag sa pagpapabuti at rehabilitasyon ng kani-kanilang komunidad.
Nagdulot ng pagbaha at pagkasira ng imprastraktura ang masamang panahon sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Central Luzon, National Capital Region, Calabarzon, at Zamboanga Peninsula. Jocelyn Tabangcura-Domenden