MANILA, Philippines – Pormal nang hihilingin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na pagkalooban siya ng emergency powers para bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sa gitna ng krisis sa Middle East.
Sa katunayan ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang Department of Energy (DOE) ang magsusumite ng formal request sa Kongreso bilang kinatawan ng Pangulo dahil siya ay nasa New York para sa dalawang araw na working visit.
Inaasahang isusumite ngayong araw ng Lunes, Marso 9 ang nasabing formal request.
Nauna rito, sinabi ni Pangulong Marcos na makikipag-usap siya sa mga lider ng Kongreso upang mabigyan ng kapangyarihan ang pangulo na bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo sakaling tumaas ang presyo ng Dubai crude oil sa mahigit $80 kada bariles.
Ayon kay Marcos, ito ay magiging emergency measure na ipatutupad agad kapag natapos ang sigalot sa Middle East. Kasama rin sa pahayag ang suporta ni Acting Finance Secretary Frederick Go sa ideya ng emergency powers para sa pangulo sakaling patuloy na tumaas ang presyo ng langis.
Nagpahayag din si Marcos ng kumpiyansa na sapat ang suplay ng langis ng bansa sa kabila ng tensyon sa Middle East, na may stockpile na umaabot sa 50–60 araw para sa gasolina, fuel oil, kerosene, at iba pang produktong petrolyo.
Sa kabilang dako, sinabi pa ni Castro na nagpalabas na ang Department of Energy ng show-cause order laban sa 54 gas stations na hayagang nagtaas ng presyo ng gasolina.
Ani Castro, nakausap niya si Energy Secretary Sharon Garin ukol dito at nabanggit sa kanya ng Kalihim na maraming gasoline stations ang nagtaas ng presyo nang hindi nararapat.
“So nag-issue po ang DOE ng show-cause order sa 54 gas stations para po makita natin kung sila ba ay lumabag sa panawagan na huwag magtaas ng presyo ng gasolina,” ayon kay Castro.
“Kasi kapag po napakita rito na sila po ay may mga fraudulent acts, maaari po silang makanselan ang permit sa kanilang mga transaction,” aniya pa rin.
Samantala, nanawagan naman aniya ang Pangulo sa sambayanang filipino na magkaisa sa gitna ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
“Kung ano o ang nangyayari ngayon sa Middle East, dapat po tayo magkaisa at magtulungan. Hindi tayo kinakailangang maghatakan pababa,” ang winika ni Castro.
Hindi aniya dapat nagsasamantala ang mga tao.
“Ang gusto po ng Pangulo ay magtulungan tayo. Kapag kayo po ay nagsamantala, meron po kayong kalalagyan. Kayo ay madedemanda at maaari matanggalan pa kayo ng pagkakataon na kayo ay makapagnegosyo,” anito sabay sabing “So tandaan niyo po: Ang sabi ng Pangulo magtulungan tayo. Pero pag hindi po kayo tumulong at kayo po ay nag-abuso sa kahinaan po na nangyayari ngayon, kayo po ay maaaring mademanda at may kaukulang parusa po yan.” (KRIS JOSE)