Home NATIONWIDE Mas mabilis, ‘di pulitikal na pamamahagi ng ayuda, itinutulak ni PBBM

Mas mabilis, ‘di pulitikal na pamamahagi ng ayuda, itinutulak ni PBBM

152
0

MANILA, Philippines – “Nandito naman kami para makinig at aksyunan…ang malaki o maliit na hinaing.”

Ito ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kung saan hinikayat niya ang mga Pilipino na patuloy na ilahad ang kanilang mga saloobin at mungkahi sa pamahalaan, at tiniyak sa publiko na ang kanilang mga hinaing—malaki man o maliit—ay pinakikinggan at aaksyunan ng administrasyon.

Sa BBMVLOG 278 na pinamagatang Sagot sa Polisiya, tiniyak ng Pangulo na gagawing mas maayos ng pamahalaan ang pamamahagi ng tulong sa mga benepisyaryo, lalo na sa mga senior citizen, at binigyang-diin na hindi dapat gamitin ang mga programang ayuda ng pambansang pamahalaan sa pamumulitika, bagkus ay dapat maihatid nang mas episyente, posibleng sa pamamagitan ng mga digital na plataporma.

“Noong nakaraang dalawang linggo ay nag-vlog tayo tungkol sa mga polisiya. Laking gulat namin na makita namin ang comment section dahil sa dami ng suggestion ninyo,” ani ng Pangulo.

Umabot sa 70.2K ang heart reactions at 11.9K ang mga komento sa naturang vlog ni Pangulong Marcos.

“Tama lang na ihayag ninyo ang inyong mga saloobin. At wala ring malaki o maliit na hinaing, lahat po ‘yan ay problema basta’t mabigat sa pamumuhay ng tao. At nandito naman kami para makinig at aksyunan ang mga bagay-bagay na ‘yan. Basahin natin ang ilan sa inyong suggestion,” dagdag ng Pangulo habang binabasa ang ilang komento.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang mga programang pinopondohan ng pambansang pamahalaan ay hindi dapat gamitin sa pamumulitika o personal na promosyon ng mga opisyal, at dapat alisin sa proseso ng pamamahagi ng tulong ang mga aktibidad na hindi kaugnay ng distribusyon ng ayuda.

Ipinunto rin ng Pangulo na may mga umiiral nang polisiya na nagbabawal sa ganitong gawain, kabilang ang mga alituntunin sa ilalim ng memorandum circular ng Department of the Interior and Local Government at mga probisyon sa General Appropriations Act na nagtatakda ng wastong paggamit ng pondo ng bayan, partikular sa pamamahagi ng tulong mula sa pambansang pamahalaan.

Sinabi rin ni Pangulong Marcos na pinag-aaralan ng pamahalaan ang digitalization ng proseso ng pamamahagi ng ayuda upang mapabilis at mapadali ang pagbibigay ng tulong, kabilang ang posibleng paggamit ng mga digital payment platform tulad ng GCash.

Ayon pa sa Pangulo, sinimulan na ng ilang local government unit, kabilang ang Makati, ang pagsubok sa katulad na sistema na maaaring pag-aralan at unti-unting ipatupad ng iba pang LGU upang mapabuti ang paghahatid ng tulong ng pamahalaan. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here