MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Marbil na nagkaroon ng emergency closed-door meeting ang mga senior police officials sa Camp Crame noong Martes ng gabi, dahilan kung bakit ginamit ng kanilang convoy ang EDSA busway.
Sa panayam sa radyo, sinabi ni Marbil na si Interior Secretary Jonvic Remulla ang mag-aanunsyo ng detalye ng operasyon ng pulisya noong gabing iyon.
Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng presensiya ng mga matataas na opisyal ng pulisya sa nasabing pulong.
Pinasalamatan din ni Marbil ang Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) sa pag-flag sa kanilang convoy, at sinabing iginagalang ng PNP ang tungkulin ng komite. Sinabi rin niyang tatanggapin ng PNP ang anumang paglabag na naitala.
Ipinagtanggol naman ni PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo ang paggamit ng convoy sa EDSA busway, ipinaliwanag na pinapayagan ito para sa mga sitwasyong urgent at emergency. Dagdag pa niya, nakipagtulungan ang convoy at bumalik upang kunin ang traffic ticket para sa kanilang paglabag.
Ang EDSA busway ay isang dedicated lane para sa mga awtorisadong bus at emergency vehicles at limitado lamang sa mga pangunahing opisyal ng gobyerno tulad ng Pangulo, Bise Presidente, at mga pinuno ng lehislatura at hudikatura. RNT