DAVAO CITY- Patay sa pamamaril ang isang opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Davao del Norte sa loob ng kanyang sasakyan sa Purok Marang sa Barangay Cagangohan, Panabo City nitong Sabado ng umaga.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Karen Candilosas, isang senior aquaculturist ng BFAR National Mariculture Center sa Panabo City sa Davao del Norte.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Panabo City Police, si Candilosas ay nakasakay sa kanyang pickup truck na nakaparada sa labas ng isang fisheries at aqua-ventures office, nang lapitan ng hindi natukoy na lalaki na nakasuot ng itim na jacket ang kanyang sasakyan.
Pinagbabaril ng gunman ang biktima sa ulo, na ikinamatay nito.
Narekober ng crime scene investigators ang dalawang empty 9mm shells at dalawang deformed slugs.
Ayon sa mga pulis, inaalam pa ang motibo sa pagpatay at patuloy ang pursuit operations.
“This tragic loss has left an irreplaceable void in our hearts and in BFAR, as an organization. We strongly condemn the circumstances surrounding her death and stand in solidarity with her family and loved ones during this incredibly difficult time,” pahayag ng BFAR regional office.
Sinabi ng Panabo City government na makikipag-ugnayan ito sa law enforcement agencies upang mahuli ang pumaslang kay Candilosas. RNT/SA