MANILA, Philippines – Patay ang isang babae matapos sakalin hanggang mamatay ng kasambahay nitong tatlong araw pa lamang nagtatrabaho, sa General Trias, Cavite.
Sa ulat, makikita pa sa CCTV ang suspek na si “Nessa” na tinatakpan ang camera.
Napansin ng biktimang si Ruby Castro na may takip ang camera kaya inalis niya ito. Sa kabila nito, tinakpan ulit ang camera at narinig sa video recording na mayroong babaeng sumisigaw.
Kalaunan ay natagpuan na lamang ang walang buhay na katawan ni Castro sa sahig. Sa autopsy ay lumalabas na sinakal hanggang mamatay ang biktima.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng pagnanakaw ang motibo sa pagpatay.
“Tinarget po talaga. They had planned it. It is premeditated,” sinabi ni Gen. Trias Police chief P/LtCol. Jose Naparato Jr.
“Ang gamit po sa pagsakal ay panyo, isang panyo. At nagtulong po yung si alias Nessa at yung kanyang manliligaw na si alias Dondon sa pagsakal sa ating biktima,” dagdag pa niya. RNT/JGC