Home NATIONWIDE Enrile kina Marcos at Sara: Kalmahan niyo para sa bayan

Enrile kina Marcos at Sara: Kalmahan niyo para sa bayan

MANILA, Philippines – “Cool it down for the sake of the country.”

Ito ang naging komento ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa lumalalim na awayan sa pagitan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.

“I think the less we talk about that, the better. My God, we are one country, one people. We have to fight our political debates in a very straightforward manner. Let us cool it down, cool it down for the sake of the country,” ang sinabi ni Enrile sa isang panayam nang hingan ng komento sa nagpapatuloy na word war nina Pangulong Marcos at VP Sara.

Nauna rito, napaulat na sinabi ni VP Sara na kumontak na umano siya ng ‘assassin’ para ipatumba ang First Couple na sina Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Romualdez kapag may nangyari umanong masama sa kaniya.

“‘Wag kang mag-alala sa security ko kasi may kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kanya, ‘pag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez,” ang sinabi ni VP Sara.

“Nagbilin na ako, ma’am. ‘Pag namatay ako, wag ka tumigil hanggang hindi mo mapapatay sila. And then he said ‘yes.'” aniya pa rin.

Gayunman, nilinaw ni VP Sara na ang kanyang “assassination statement” ay hindi pagbabanta, binigyang-diin lamang aniya niya ang di umano’y banta sa kanyang seguridad.

Ang kanya aniyang sinabi ay “taken out of logical context.”

Bilang tugon, ipinangako naman ni Pangulong Marcos na lalabanan niya ang ganitong mga criminal attempt.

“Kung ganun na lang kadali ang pagplano sa pagpatay ng isang Presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwan na mamamayan?” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang video statement.

“Yang ganyang kriminal na pagtatangka ay hindi dapat pinapalampas. ‘Yan ay aking papalagan,” dagdag na wika nito.

Samantala, nagpatawag ng press briefing si VP Sara matapos silbihan ng transfer order ng Blue Ribbon panel si OVP Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez para ilipat sa Correctional Institute for Women (CIW) facility sa Mandaluyong City dakong alas-11:30 ng umaga kamakailan.

Mariing nagbanta si VP Sara nang mag-live stream sa detention faci­lity ng Kamara kasama ang na-contempt nitong Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez nitong Sabado ng madaling araw ukol sa di umano’y ginawa niyang pagkontak sa ‘assassin’ para patayin sina Pangulong Marcos, Unang Ginang Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Romualdez kapag may nangyari umanong masama sa kaniya. Kris Jose