MANILA, Philippines – Sinabi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu-Laurel nitong Martes na ang desisyon na mag-angkat ng karagdagang 8,280 metric tons (MT) ng maliliit na pelagic fish ay ginawa upang patatagin ang domestic supply sa panahon ng closed fishing season mula Nobyembre hanggang Marso.
Ayon kay Tui-Laurel ang supplementary volume ng pag-import ng isda, na higit pa sa 30,000 MT na inangkat mula sa Vietnam at China, ay tutugon din sa epekto ng kamakailang serye ng mga bagyo sa supply ng isda sa merkado.
“May end date din yun na must arrive date, latest January 30. Kasi ang close season natin ay January 30 sa Palawan pero ang close season sa Zamboanga hanggang end of February sabi ni Tui-Laurel sa interbyu ng media sa Kadiwa ng Pangulo Expo sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Sinabi ni Laurel na ang pag-import ng karagdagang maliliit na pelagic fish ay ginawa kasunod ng pagpupulong kasama ang National Fisheries and Aquatic Resources Management Council (NFARMC) at ang DA.
Kaugnay nito sinabi ni Laurel na ang bansa ay may matatag na suplay ng bigas, na inaasahang aabot sa 4.5 milyong tonelada ang importasyon ngayong taon.
“As far as bigas is concerned, and then kakaharvest lang, although medyo may tama talaga tayo sa maraming bagyong dumaan. Ang estimates namin ngayon, last year 20.04 million tons yata, ang latest estimate namin ngayon is 19.3 million na lang, and baka bumaba pa dahil sa mga bagyo,” ayon kay Tui Laurel. (Santi Celario)