Home HOME BANNER STORY ‘Epal-itiko’ bawal sa pamimigay ng ayuda ng gobyerno – Comelec

‘Epal-itiko’ bawal sa pamimigay ng ayuda ng gobyerno – Comelec

(c) Crismon Heramis

MANILA, Philippines – Hindi papahintulutan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga pulitiko sa pagbibigay ng mga ayuda sa panahon ng kampanya.

Bunsod nito, pinayuhan ng Comelec-Cordillera Administrative Region ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) laban sa pagpayag sa mga pulitiko na sumali sa mga aktibidad sa pamamahagi ng tulong upang maiwasan ang mga kaganapang maaring magamit sa pulitika.

Sinabi ni Comelec-Baguio officer Atty. John Paul Martin sa Philippine News Agency noong Miyerkules na ang mga tarpaulin ng mga pulitiko ay hindi rin dapat pahintulutang maipakita sa mga lugar ng pamamahagi ng suporta ng gobyerno.

Samantala, sinabi ng DSWD-CAR na patuloy nitong ipapatupad ang assistance distribution programs matapos makakuha ng exemption ang ahensya sa Comelec.

Kabilang sa mga programa ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), Sustainable Livelihood Program (SLP), Supplemental Feeding Program, PAMANA, Pag-Abot Program, Kapit Bisig Laban sa Kahirapan Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPHAP), social pension, assistance to individuals in crisis situation (AICS) at Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Sinabi ni Maria Aplaten, DSWD-CAR director na ang serbisyo ng residential care facilities ng DSWD kabilang ang Regional Haven for Women and Girls, Reception and Study Center for Children (RSCC) at ang Regional Rehabilitation Center for the Youth (RRCY) ay magpapatuloy upang matiyak na ang pagpapatuloy ng rehabilitasyon ay hindi mahahadlangan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)