MANILA, Philippines – Ang isang Filipino tourist sa Taiwan na nasugatan matapos mabangga ng tren ay maaaring patawan ng multa kung mapapatunayan na nilabag niya ang Railway Act sa nasabing teritoryo.
Makikita sa isang CCTV footage ang turista na kumukuha ng litrato sa tabi ng riles ng tren sa Shifen Old Street sa Taipei. Nang itaas niya ang kanyang mga kamay, siya ay nabangga ng paparating na tren at nahulog. Nangyari ito habang siya ay gumulong at napatagilid, at ang kanyang buhok ay naipit.
Sinabi ng mga awtoridad sa Taiwan na agad siyang dinala sa ospital na may sugat sa ulo.
Kinumpirma naman ng Manila Economic Cultural Office (MECO) na ang turista ay sumailalim sa operasyon dahil sa mga sugat sa ulo, dibdib, at balakang, at ngayon ay nasa stable na kondisyon.
Ayon sa MECO, naglakbay nang mag-isa ang turista ngunit sumali siya sa isang tour. Nakipag-ugnayan na sila sa mga kamag-anak ng biktima at sa travel agency na sasagot sa mga gastusin sa ospital sa pamamagitan ng insurance.
Samantala, inihayag ng Taiwan Railway Police Bureau na maaaring pagmultahin ang Pinay kung mapapatunayan na nilabag niya ang Railway Act, na nagbabawal sa publiko ng trespassing o paglapit sa mga riles ng tren. RNT