MANILA, Philippines – Hinimok nitong Lunes ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Kongreso na tukuyin kung may pangangailangang amyendahan ang Arroyo-era Electric Power Industry Reform Act (EPIRA).
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address, sinabi ni Marcos na pinag-aaralan ng gobyerno kung natutugunan pa rin ng EPIRA o hindi ang pangangailangan ng mga mamimili pagdating sa pagkakaroon ng mas murang singil sa kuryente.
“Binabalikan at binubusisi nating muli ang EPIRA upang malaman kung angkop pa ba ito sa kasalukuyang sitwasyon o napapanahon na ito ay amyendahan,” ani Marcos.
“Hinihiling ko sa Kongreso na pagtulungan na natin ito alang-alang sa kapakanan ng mga Pilipino. Sa taas ng presyo ng kuryente sa bansa, hindi nahihirapan ang mga negosyante kung hindi lalo na ang taumbayan,” aniya pa.
Naisabatas noong 2001, ang EPIRA, isang landmark na pro-market reform, ay naglalayon na tiyakin ang maaasahan at mapagkumpitensyang presyo ng kuryente sa bansa. Kabilang sa mga kapansin-pansing tampok nito ay ang paghahati ng industriya ng kuryente sa apat na sub-sektor—generation, transmission, distribution, at supply—upang matiyak ang level-playing field sa mga manlalaro sa sektor ng enerhiya.
Sa pagsisimula ng kanyang pagkapangulo, sinabi ni Marcos na ang ilang mga probisyon ng batas ay “luma na.”
Nangako pa si Marcos na ang kanyang administrasyon ay patuloy na “nag-diagnose” ng mga kakulangan sa kuryente at systemic blackouts sa buong bansa. RNT