MANILA, Philippines – Hinimok ng isang consumer watchdog ang Office of the Ombudsman na imbestigahan ang Energy Regulatory Commission (ERC) dahil sa umano’y bigo nitong pagsunod sa desisyon ng Korte Suprema na sinasabing nagresulta sa mataas na singil sa kuryente.
Sa reklamong inihain ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC), iginiit nina UFCC President Rodolfo Javellana Jr. at accountant Marcelo Tecson na pinayagan umano ng ERC ang Meralco na magkaroon ng after-tax return on equity na mas mataas sa 12 porsiyento, na anila’y itinakdang limitasyon ng Korte Suprema para sa mga public utility.
Ayon sa UFCC, umabot umano sa 32 porsiyento ang return on equity ng Meralco noong 2024.
“Ang labis na mataas na annual rate of return ng Meralco ay malinaw na nagmula sa hindi makatwirang taas ng singil sa kuryente,” ayon sa reklamo.
Binanggit din ng grupo ang liham ni ERC Chairperson Francis Saturnino noong Enero 26 kung saan ipinaliwanag na hindi saklaw ng 12 porsiyentong limitasyon ang Performance-Based Regulation (PBR) rate-setting methodology.
Ayon kay Saturnino, kinilala ng Korte Suprema sa mga kasong inihain ng National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. ang PBR system at wala itong itinakdang return limit.
Gayunman, hindi sang-ayon dito ang UFCC.
“Magalang naming hinihiling sa Office of the Ombudsman na magsagawa ng imbestigasyon kung ang mga opisyal ng ERC ay nabigong sumunod sa mga umiiral na batas at kaukulang jurisprudence habang ginagampanan ang kanilang tungkulin bilang regulator. Kung mapatunayang may paglabag, sana ay atasan silang sumunod,” nakasaad sa reklamo.
Samantala, sinabi ng ERC na nakapagbigay na sila ng tugon kay Tecson at ipinaliwanag kung paano nila tinutukoy ang pinapayagang rate of return, na anila’y hindi nakapako sa 12 porsiyento gaya ng ipinapalagay ng nagrereklamo.
Ayon pa sa ERC, wala pa silang natatanggap na kopya ng reklamong inihain sa Ombudsman.
“Kung kikilos ang Ombudsman at hihingan kami ng komento o paliwanag, magbibigay kami ng kaukulang tugon sa tamang panahon at tamang forum,” pahayag ng ERC. RNT/JGC