KALAYAAN, PALAWAN—Naglabas ang China ng radio challenge ngayong Huwebes, May 16, sa isang pribadong sasakyang panghimpapawid na lulan sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Majority Leader Joel Villanueva, at Deputy Majority Leader JV Ejercito bago lumapag sa Pag-asa Island.
Binisita ng tatlong mambabatas ang pinakamalaking isla sa Kalayaan Island Group para sa groundbreaking ng bagong barracks sa loob ng Emilio Liwanag Naval Station at Super Rural Health Unit sa munisipyong ito.
Ang parehong hamon sa radyo ay natanggap din ng isang eroplano ng Philippine Air Force na lulan ng grupo ng mga mamamahayag na nag-cover sa pagbisita ng mga senador.
“‘Yung pag-landing namin kanina meron nang mga verbal challenges and it’s so sad na nandito tayo sa loob ng ating bansa, teritoryo ng Pilipinas ito, tapos sinasabihan ka, umalis ka dito kasi ito ay teritoryo ng Tsina. Talagang nakakagulat, ano. Nakaka-alarma at nakakagalit,” ani Zubiri.
Sinabi ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., na kasama ng mga senador sa kanilang pagbisita sa isla, na “SOP” o standard operating procedure ng China na maglabas ng verbal challenge tuwing may sasakyang panghimpapawid na pumapalibot sa Pag-asa Island.
Sa pagbisita, isang Chinese Coast Guard vessel at ilang Chinese militia vessels ang nakita mga tatlo hanggang apat na nautical miles mula sa Pag-asa Island.
Nakita mismo ng mga mambabatas ang mga sasakyang pandagat ng China sa pamamagitan ng teleskopyo na naka-install sa naval station.
Ayon kay Naval Forces West Commander Commodore Alan Javier, kasalukuyang mayroong 22 Chinese militia vessels, dalawang China Coast Guard vessels, at isang People’s Liberation Army vessel sa paligid.
Sinabi ni Javier na ito ang “normal” na bilang ng mga sasakyang pandagat ng China na nakita ng mga pwersang Pilipino.
Sa kabilang banda, sinabi ni Javier na ang kasalukuyang deployment ng Pilipinas malapit sa Pag-asa Island ay binubuo ng isang Navy ship at isang Philippine Coast Guard vessel. RNT