MANILA, Philippines – Inihihirit ng National Food Authority (NFA) ang nasa P16.3-bilyong pondo sa susunod na taon para bumili ng palay gayundin para mapalakas ang storage capacity nito.
Sa isang pahayag, sinabi ng NFA na ang iminungkahing budget nito para sa 2025 sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) ay nasa P24.85 bilyon, mas mataas ng 77% mula sa P14.03 bilyon ngayong taon.
Sa budget ng grains agency ngayong taon, P9 bilyon ang nakalaan para sa palay procurement na may assumed procurement price na P23 ang maximum na kilo.
Gayunpaman, noong nakaraang buwan, itinaas ng NFA Council ang pinakamataas na presyo ng pagbili sa P30 kada kilo upang payagan ang ahensya na epektibong makipagkumpitensya sa mga pribadong mangangalakal para sa lokal na suplay ng bigas.
Dahil dito, mangangailangan ang ahensya ng P16.3 bilyon sa susunod na taon para sa pagbili ng palay.
Sa kanyang bahagi, sinabi ni NFA Acting Administrator Larry Lacson na bukod sa pagpopondo sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka, kakailanganin din ng ahensya na magtayo ng karagdagang storage at drying facilities upang mapabuti ang buffer stocking capacity nito.
Sa kasalukuyan, ang NFA ay may kapasidad lamang na magpatuyo ng 31,000 metriko tonelada ngunit bumibili ng humigit-kumulang 495,000 metriko tonelada ng palay.
Inaatasan ng batas ang NFA na magpanatili ng buffer stock na katumbas ng humigit-kumulang siyam na araw ng pambansang konsumo ng bigas.
Nilimitahan ng Rice Tariffication Law ang NFA sa pagkuha ng bigas mula sa mga lokal na magsasaka bilang pagtupad sa tungkulin nitong bumuo ng pambansang buffer stock upang matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa oras ng kagipitan.
Inalis na rin ng RTL ang responsibilidad ng NFA na makialam sa merkado para patatagin ang presyo, o mag-import ng bigas para madagdagan ang buffer stock.
Kasalukuyang pinagtatalunan ng Kongreso kung ibabalik ang kapangyarihan ng NFA sa pag-angkat ng bigas o patatagin ang mga presyo sa merkado.
Ang panukalang batas sa House of Representatives ay nagbibigay ng awtorisasyon sa NFA na bumili at magbenta ng bigas sa mga emergency cases at pataasin ang productivity aid ng mga magsasaka sa P15 bilyon.
Nauna nang sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na walang intensyon na buhayin ang kapangyarihan ng NFA sa gitna ng mga hakbang na amyendahan ang RTL. Santi Celario