MANILA, Philippines – Isang 25-anyos na lalaki ang inaresto sa Barangay San Isidro, Antipolo, Rizal, matapos umano’y saksakin ang sariling ama dahil sa paulit-ulit na pang-aabuso.
Ayon sa mga opisyal ng barangay, umamin ang suspek sa krimen at sinabing binugbog umano siya ng kanyang ama bago ang insidente.
Nangyari ang insidente noong Lunes ng gabi, kung saan nasugatan ang biktima sa kaliwang bahagi ng katawan.
Sa kabila ng tama ng saksak, nakahingi pa rin ng tulong sa mga kapitbahay ang ama.
Ang suspek naman ay natagpuang tuliro at inamin sa mga opisyal ang kanyang ginawa, kasabay ng pagsuko ng ginamit na kutsilyo.
Ayon sa mga kamag-anak ng biktima, madalas na nagtatalo ang mag-ama, at umano’y nagkaroon ng galit ang anak dahil sa naunang pananakit ng ama.
Habang nagpapagaling ang biktima sa ospital, pansamantalang nakakulong ang suspek sa Antipolo Component City Police Station. RNT