Home NATIONWIDE Erwin Tulfo namayagpag sa 2025 senatorial survey ng OCTA

Erwin Tulfo namayagpag sa 2025 senatorial survey ng OCTA

MANILA, Philippines- Muling nanguna si ACT-CIS party-list Representative Erwin Tulfo sa senatorial survey ng OCTA Research group para sa 2025 national at local elections.

Makikita sa resulta ng Tugon ng Masa National Survey ng 76% ng Filipino adults ang boboto kay Tulfo sakaling tumakbong senador kung isasagawa ang eleksyon sa nasabing survey period, mula December 10 hanggang December 14.

Mas mataas ito kumpara sa 60% na nakuha ni Tulfo sa October 2023 survey ng OCTA.

Muling sinundan si Tulfo ni Senator Christopher “Bong” Go na nakakuha ng 53%.

Samantala, nakatanggap si dating Senate President Vicente Sotto III ng voting preference na 48%.

Batay pa sa survey, 47% ng Filipino adults ang posibleng iboto si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.

Nag-tie sina Dela Rosa at Senator Imee Marcos sa October survey. Nakatanggap si Marcos, kapatid ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ng voting preference na 42% sa pinakabagong survey.

Sinundan naman siya Senator Ramon “Bong” Revilla sa 35%.

Samantala, nasa ika-anim hanggang ika-11 pwesto sina Senator Francis “Tol” Tolentino, dating Manila mayor Isko Moreno, at dating Senator Panfilo “Ping” Lacson na nakakuha ng 33%, 32%, at 32%.

Base sa OCTA, nakatanggap si Senator Pia Cayetano ng 30%, habang si dating Senator Manny Pacquiao ay mayroong 28%.

Samantala, nakakuha si dating Vice President Jejomar “Jojo” Binay ng voting preference na 25%.

Pasok din sa listahan si Senator Manuel “Lito” Lapid na nakakuha ng 20%.

Ayon sa OCTA, nakakuha naman sina Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro ng 19% at dating Senator Gringo Honasan II, Interior Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, at Willie Revillame ng 18%.

Gayundin, kapwa nakakuha sina dating vice presidential candidate Willie Ong at dating Vice President Leni Robredo ng 17%.

Isinagawa ang survey sa 1,200 male at female respondents edad 18-anyos pataas mula sa Class AB, C, D, o E sa National Capital Region, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao  na mayroong ±3 margin of error. RNT/SA

Previous articleHigit 500 OFW na naipit sa Israel-Hamas war napauwi ng PH gov’t
Next articleDisaster insurance program para sa gov’t assets pinairal ng PH gov’t