MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na mananatili siya sa kanyang posisyon maliban na lamang kung mayorya ng mga senador ang magpasyang palitan siya pagdating ng ika-20 Kongreso sa Hulyo.
Sa isang forum sa Senado, ipinaliwanag niyang ayon sa patakaran, hindi mapapalitan ang Senate president hangga’t wala pang bagong halal na may sapat na boto mula sa mayorya.
Ito ay matapos siyang tanungin tungkol sa posibilidad ng pagbabago sa liderato ng Senado, lalo na’t inaasahang babalik sina dating Senate President Tito Sotto at iba pang beteranong senador.
Ayon kay Escudero, kahit sinong senador ay maaaring mahalal sa puwesto basta’t may suporta ng nakararami.
Sa ngayon, sinabi niyang mas nais muna niyang tutukan ang mga natitirang panukalang batas sa kasalukuyang Kongreso kaysa isipin agad ang susunod na termino o ang posibilidad ng kanyang pagpapalit. RNT