Home NATIONWIDE Escudero sa mga Pinoy: Modernong kabayanihan isabuhay

Escudero sa mga Pinoy: Modernong kabayanihan isabuhay

MANILA, Philippines- Hinikayat ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na alalahanin ang sakripisyo ng mga bayani at ipagpatuloy ang legasiya sa pamamagitan ng pagpapakita ng katapangan o kabayanihan at awa sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Ganito ang pahayag ni Escudero sa pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan na pinahahalagahan at inaalala ang kabayanihan ng mga ninuno kabilang ang modernong bayani tulad ni Senador Benigno “Noynoy” Aquino Sr., na napatay sa panahon ng diktadurang Marcos.

Kabilang sa pinahahalagahang modernong bayani ng bansa ang overseas Filipino workers na nagbibigay ng tulong sa ekonomiya ng bansa.

“Sa araw na ito, tayo ay nagbabalik-tanaw at nagpupugay sa mga Pilipinong nagbuwis ng kanilang buhay upang ipaglaban ang kalayaan at karangalan ng ating bayan,” aniya.

Ipinagdiriwang tuwing ika-9 ng Abril kada taon ang Araw ng Kagitingan na kumikilala sa kabayanihan ng Pilipino at sundalong Amerikano na lumaban sa panahon ng Ikalawang Digmang Pandaigdig partikular ang lumahok sa itinuturing na Bataan Death March noong 1942 mula Bataan hanggang Capas, Tarlac.

“Sa paggunita sa Araw ng Kagitingan, ating naaalala ang mga aral ng kasaysayan – na ang kalayaan ay hindi madaling nakakamtan at ito’y pinagbabayaran ng pawis, dugo, at buhay,” ayon kay Escudero.

Iginiit ni Escudero na kapag pinararangalan ang bayani ng nakaraan, ibig sabihin ay kumilos sa kasalukuyan.

“Ngayon, ipakita natin ang pasasalamat sa mga naging bayani ng nakaraan sa pamamagitan ng pagiging bayani sa kasalukuyan. Mula sa paggawa ng mga maliliit na kabutihan hanggang sa mga dakilang layunin para sa bayan, magkaisa tayong lahat upang patuloy na maipagmalaki ang ating pagiging Pilipino,” ayon kay Escudero. Ernie Reyes