MANILA, Philippines – Lahat ng operasyon sa Port of General Santos ay pansamantala munang itinigil kasunod ng nangyaring 7.8 magnitude na lindol noong Lunes sa Mindanao.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), ito ay habang isinasagawa ang masusing structural inspections at safety assessments ng mga pasilidad ng pantalan na naapektuhan ng pagyanig.
Layon din nitong matiyak ang kaligtasan ng publiko at mga tauhan ng mga kawani ng mga pantalan na maaaring naapektuhan ng lindol.
Sa kabila nito, tiniyak ng Philippine Ports Authority (PPA) na magpapatuloy ang mga transaksyon kaugnay ng Port Integrated Clearance Office (PICO) sa covered court ng pantalan hanggang sa susunod na abiso.
Pinapayuhan din ang publiko na manatiling nakaantabay sa mga opisyal na anunsyo ng PPA para sa mga susunod na update hinggil sa kalagayan at muling pagbubukas ng operasyon ng pantalan. Jocelyn Tabangcura-Domenden