MANILA, Philippines – Pinuri ni House prosecutor at Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa pagiging patas nito bilang presiding officer ng Senate impeachment court sa paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Defensor, “Maganda ang pagpapatakbo ni Senate presiding officer Chiz Escudero. It was very fair at nabigyan ng pagkakataong mailabas ang ebidensya sa tamang pamamaraan.”
Naging kapansin-pansin sa pagdinig noong Hulyo 7 ang maraming pagtutol ng kampo ni Duterte na na-overrule o hindi pinaboran ni Escudero. Ang ibig sabihin ng “overruled” ay hindi sinang-ayunan ng presiding officer ang isang mosyon o pagtutol, habang ang kabaligtaran nito ay “sustained.”
Ayon pa kay Defensor, naging matagumpay ang unang araw ng presentasyon ng ebidensya dahil natuloy ang paglilitis at nasunod ang tamang proseso.
Samantala, sinabi rin ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na maituturing na “tagumpay” para sa prosecution ang naging takbo ng pagdinig sa araw na iyon.
Ang Hulyo 7 ang ikalawang araw ng impeachment trial at unang araw ng pormal na presentasyon ng ebidensya ng prosecution. RNT/MDS