MANILA, Philippines – Sinabi ng House prosecution panel na pananatilihin nito ang parehong sigla at paghahanda sa buong impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor, nasiyahan sila sa naging takbo ng ikalawang araw ng paglilitis, ngunit sinabi niyang wala pang maituturing na panalo hangga’t wala pang hatol.
“Aasahan niyo mauulit itong ginawa namin ngayon. We will sustain this kind of energy during the trial, and we will continue to be respectful to our senator-judges,” ani Defensor.
Tinatayang tatagal ng pitong hanggang walong buwan ang paglilitis at inaasahang maghaharap ang prosekusyon ng 57 saksi.
Noong Martes, sinimulan ng prosekusyon ang paglalatag ng ebidensya kaugnay ng Article IV ng impeachment, na tumatalakay sa alegasyon ng grave threats at inciting to sedition laban sa bise presidente.
Unang tumestigo ang NBI Senior Agent John Mark Calilung, na nagpatunay sa isang video noong Nobyembre 23, 2024 kung saan umano’y nagbanta si Duterte laban kay Pangulong Marcos at iba pang miyembro ng First Family.
Ayon kay Defensor, naiprisinta nila ang lahat ng ebidensyang nais iharap at handa sila sa anumang teknikalidad o posibleng mangyari sa mga susunod na pagdinig. RNT/MDS