Home METRO Eskwelahan nasunog sa Makati

Eskwelahan nasunog sa Makati

Oplus_34

MANILA, Philippines – Nasunog ang ilang bahagi ng isang eskwelahan sa Barangay Guadalupe Nuevo, Makati City Sabado ng hapon, Hulyo 6.

Base sa inisyal na report ng Makati City Bureau of Fire Protection (BFP), napinsala ng sunog ang San Jose Elementary School (SJES) na matatagpuan sa Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati City.

Ayon sa Makati BFP, nagsimula ang sunog dakong alas-4:00 ng hapon na umabot sa ikalawang alarma.

Natupok ng apoy ang limang silid-aralan sa ikalawang palapag at isa naman sa ikatlong palapag kung saan idineklarang fire out ang sunog dakong alas-5:38 ng hapon.

Napag-alaman naman sa punong guro ng eskwelahan na si Lev Dacanay, ang guwardiya lamang na nagbabantay sa unang palapag ng gusali ang nasa eskwelahan at maigi na lamang ay nagkataon na walang pasok nang sumiklab ang apoy.

Dagdag pa ni Dacanay na magsisimula ang pagbubukas ng klase sa SJES sa darating na Hulyo 27 ngunit ang National Learning Camp na nakatakda sana Lunes ay pansamantalang hindi maisasagawa dahil sa hindi inaasahang pangyayari ng sunog.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng Makati BFP upang matukoy ang pinagmulan ng apoy gayundin ang halaga ng pinsala na idinulot ng sunog. James I. Catapusan