MANILA, Philippines – Nais pa-amyendahan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang espionage law at gawing naangkop sa panahon ng kapayapaan.
“Ang mahalaga ngayon parusahan natin ang espionage sa panahon ng peace kasi ang espionage law sa Pilipinas ay epektibo lamang during times of war,” sinabi ni Teodoro sa isang ambush interview.
“So call to action din, alam naman na ng ating mga mambabatas, na agaran nilang amyendahan yung espionage law para maparusahan at makakilos ang gobyerno nang tama para sugpuin ito,” dagdag pa niya.
Kasabay ng House QuadComm inquiry noong nakaraang linggo, ipinalabas ang isang dokumentaryo at interviewee na nagsasabing si Guo Hua Ping ay isang Chinese spy.
Si Guo Hua Ping ay kilala rin bilang si Alice Guo, ang dismissed mayor ng Bamban, Tarlac.
Ipinalabas ni Davao Oriental Representative Cheeno Miguel Almario sa komite ang interview ng Al Jazeera kay She Zhijiang, na isa umanong detained Chinese spy na natatakot bumalik sa China dahil sa banta sa kanyang buhay.
“Guo Huaping, China cannot be trusted. The two of us dedicated our lives to China’s Ministry of State Security. Look at what happened to me,” aniya.
“If you don’t want to be eliminated, tell the world the truth,” dagdag pa.
Bilang tugon, itinanggi naman ni Guo na isa siyang espiya.
“Hindi po ako spy. Mahal ko po ang Pilipinas.”
Si Guo ay nahaharap sa mga reklamong graft, qualified human trafficking, money laundering, at tax evasion.
Siya ay kasalukuyang naka-detain sa Pasig City Jail. RNT/JGC