Home NATIONWIDE Espiya ng Tsina nakabaon sa mga ahensya ng gobyerno – Tolentino

Espiya ng Tsina nakabaon sa mga ahensya ng gobyerno – Tolentino

MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na napasok na ng mga espiya ng China ang mga ahensiya ng gobyerno ng Pilipinas, at posibleng may mga nasa mataas na posisyon tulad ng assistant secretary.

Ayon kay Tolentino, may mga “sleeper cells” na nakabaon sa iba’t ibang sektor ng gobyerno at nakakagulat ang lawak ng pagpasok ng mga ito.

“Sa lahat ng sektor ay may nakabaon na sleeper cells… Hindi natin alam ang extent hayaan natin ang security officials ang mag-elaborate pero talagang nakakagulat,” ani Tolentino sa Saturday News Forum.

“Kahit sa ibang ahensya ng pamahalaan ay meron silang nakabaon na espiya… sa malalaking ahensiya baka na-promote na hindi lang as division chief, baka director, baka assistant secretary level na matagal nang nagtatrabaho,” dagdag pa ng senador.

Inihayag ito kasunod ng pahayag ng National Security Council (NSC) tungkol sa posibleng pakikialam ng China sa 2025 midterm elections.

Imumungkahi ni Tolentino ang regular na pagsusuri ng mga kawani ng gobyerno upang matukoy ang mga posibleng espiya.

Itinanggi ng Chinese embassy ang mga akusasyon at iginiit na sumusunod sila sa prinsipyo ng hindi pakikialam sa mga suliraning panloob ng ibang bansa.

“We noticed the attempts of some politicians to play the so-called China card to serve their political self interests and boost their election prospects before the midterm election. Such attempts are despicable and doomed to failure,” ayon sa pahayag ng Chinese Embassy. RNT