Home METRO Kandidatong SB sa Isabela, 2 pa sugatan sa pananambang

Kandidatong SB sa Isabela, 2 pa sugatan sa pananambang

SAN PABLO, Isabela – Kasalukuyan pa rin nakikipaglaban kay kamatayan ang tatlong indibidwal kabilang ang kumakandidatong Sangguniang Bayan o SB matapos silang pagbabarilin sa Barangay Bungad, San Pablo, Isabela, kagabi.

Kinilala ni PCol. Lee Allen ‘LABB’ B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO ang mga biktima na sina Mark Jhon Paul Tipon, 34 taong gulang at kandidato sa Sangguniang Bayan; Mark Francis Antonio, 25 taong gulang; at Jhon Lloyd Duran, 21 taong gulang, pawang mga residente ng Barangay Poblacion, San Pablo, Isabela.

Dakong 9:40 kagabi, ng Abril 25, 2025, sakay ang mga biktima ng isang pick-up nang pagbabarilin sila ng mga suspek na lulan ng isang puting Toyota Hi-Lux pick-up (Conquest) kung saan ay nagtamo ng mga tama ng bala ng baril ang mga biktima na agad namang isinugod sa Milagros Albano District Hospital sa Cabagan, Isabela para sa agarang medikal na atensyon at kalaunan ay inilipat sa isang ospital sa lungsod ng Tuguegarao.

Dahil sa direktiba ni PCol. Bauding na agad magsagawa ng hot pursuit operation ay agad din tumugon ang mga tauhan ng San Pablo Municipal Police Station, katuwang ang 1st Isabela Provincial Mobile Force Company at 205th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2.

Nadakip ang dalawang suspek na pansamantala itinago ang kanilang pagkakilanlan bandang alas-11:10 ng gabi sa Barangay Poblacion, San Pablo, Isabela.

Narekober mula sa pag-iingat ng mga suspek ang isang kalibre .45 na baril na kargado ng pitong bala; isang magazine ng kalibre .45 na kargado rin ng pitong bala: isang black gun holster; apat na karagdagang bala ng kalibre .45; isang fan knife; at isang white Toyota Hi-Lux pick-up (Conquest) na umano’y ginamit sa krimen.

Hanggang sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kung ano ang motibo at nasa likod ng nasabing krimen upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaril. Rey Velasco