MANILA, Philippines – Naghain si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ng panukalang magbibigay ng amnestiya sa hindi nabayarang estate taxes ng mga indibidwal na namatay noong o bago Disyembre 31, 2025.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1889 o “Estate Tax Amnesty Act of 2026,” layunin ng panukala na palawakin ang tax base at pabilisin ang koleksyon ng kita ng gobyerno, habang binabawasan ang matagal na paglilitis sa mga pananagutang buwis.
Ayon kay Lacson, magbibigay ito ng isang beses na pagkakataon sa mga estate ng mga yumao na bayaran ang kanilang hindi nabayarang estate tax sa iisang rate na anim na porsyento (6%), na may pinasimpleng documentary at procedural requirements.
“It authorizes a one-time opportunity for estates of decedents who died on or before a specified date to settle outstanding estate tax liabilities at a uniform rate of six percent, subject to simplified documentary and procedural requirements,” aniya.
Saklaw ng panukala ang mga estate na may hindi nabayarang buwis hanggang Disyembre 31, 2025, may assessment man o wala, at kahit may nakabinbing imbestigasyon o kaso.
Nilinaw ni Lacson na ang pagbabayad sa ilalim ng amnestiya ay para lamang sa pag-areglo ng tax liability at hindi awtomatikong magpapawalang-bisa sa iba pang pananagutan sa ilalim ng ibang batas. Mananatili ang kapangyarihan ng gobyerno na magsampa ng forfeiture, recovery, reversion, o criminal prosecution kung naaangkop.
Ayon sa panukala, maaaring magbayad ng 6% estate amnesty tax batay sa kabuuang net estate ng yumao sa oras ng kanyang kamatayan. Kung may naunang estate tax return na naihain sa Bureau of Internal Revenue (BIR), ang 6% ay ibabatay sa net undeclared estate. Kung mas mataas ang deductions kaysa gross estate, maaaring magbayad ng minimum amnesty tax na P5,000 ang mga tagapagmana, executor, o administrator.
Pinahihintulutan din ng panukala ang manual o electronic filing at payment upang mapabilis ang proseso.
“It widens the taxable universe, accelerates revenue collection, reduces prolonged litigation over tax liabilities, and facilitates productive reintegration of idle or immobilized assets into the formal economy,” dagdag ni Lacson. RNT/MND