Home METRO Estudyante, 1 pa patay sa salpukan ng 2 motorsiklo

Estudyante, 1 pa patay sa salpukan ng 2 motorsiklo

PANGASINAN- Kamatayan ang sumalubong sa isang menor-de-edad na lalaki at 25-anyos na lalaki matapos ang aksidenteng banggaan ng kanilang mga minamanehong motorsiklo sa Arenas Boulevard, Brgy. Bued, Calasiao ng lalawigang ito pasado ala-1 ng madaling araw nitong Sabado.

Ayon sa mga awtoridad, ang 17-anyos na driver ng kulay itim na Suzuki Raider motorcycle ay isang estudyante, residente ng Malasiqui, Pangasinan samantalang ang 25-anyos na driver ng kulay itim na Yamaha Mio Sporty motorcycle ay residente naman ng Dagupan City, Pangasinan.

Nabatid na bumibiyahe papuntang timog na direksyon ang Suzuki Raider samantalang pupunta naman ng kabilang direksyon ang Yamaha Mio Sporty.

Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, nasakop ng Yamaha Mio Sporty ang linya ng Suzuki Raider at dito na nangyari ang banggaan ng dalawang sasakyan.

Resulta nito, parehong nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan ang dalawang driver.

Ang mga naturang driver ay agad isinugod sa Pangasinan Provincial Hospital sa San Carlos City, Pangasinan ng mga rumespondeng MDRRMO personnel ng Calasiao.

Gayunman, parehong idineklarang dead on arrival ang dalawang driver. Rolando S. Gamoso