MANILA, Philippines – Kulong ang isang 27-anyos na lalaki matapos pagsasaksakin ang isang binatilyong estudyante bago tinangay pa ang motorsiklo at iba pang gamit ng biktima sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban, nagtungo ang 15-anyos na biktima sa bahay ng kaklase sa Brgy. Parada upang humiram ng isusuot sa kanilang school activity bago mag-alas 2 ng Sabado ng madaling araw nang ma-ispatan siya ng suspek na si alyas “Rico” na kailan lang niya nakilala.
Nakiusap umano si alyas Rico sa biktima na samahan muna siya sa Santiago St., Brgy. Gen. T. De Leon na pinagbigyan ng binatilyo.
Pagdating sa eskinita ng Santiago St., dito na siya hinoldap at pinagsasaksak sa leeg ng suspek bago tumakas patungo sa direksiyon ng Sta Quiteria sa Caloocan City, tangay ang motorsiklo, helmet, cellular phone, at kasuotan ng biktima.
Sa ginawang pagsisiyasat, kinilala ni P/Capt. Ronald Bautista, Commander ng Valenzuela Police Sub-Station 2 ang suspek na dati nang may mga kasong pagnanakaw, panghoholdap, pananakot, ilegal na sugal, at alarm and scandal kaya nalaman nila kung saan ito nakatira.
Inabangan ng grupo ni Capt. Bautista ang suspek hanggang sa maispatan nila ito pasado alas-2 ng hapon malapit sa kanyang bahay sa Salazar St., Brgy. Parada habang minamaneho ang tinangay na motorsiklo sa biktima na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.
Narekober sa suspek ang cellphone ng biktima, motorsiklo, helmet, coin purse at isang isang caliber .38 revolver na kargado ng tatlong bala.
Ani Col. Cayaban, nahaharap ang suspek sa mga kasong Robbery with Serious Physical Injuries, paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, Omnibus ElectionCode, Illegal Possession of Bladed Weapon at Carnapping. Rene Manahan