Home NATIONWIDE Farm-to-market initiatives bibitbitin ng 132 GP Partylist  

Farm-to-market initiatives bibitbitin ng 132 GP Partylist  

Manila, Philippines-Isusulong ng 132 GP (Galing sa Puso) Partylist sa Kongreso ang batas na naglalayong mapalakas ang farm-to-market initiatives ng bansa upang tugunan ang problema sa kakulangan o over production ng mga produkto sa agrikultura.

Sinabi ni 132 GP Partylist first nominee Atty. JP Padiernos na dahil sa takot na mabulok at dahil sa pagbaba ng farm gate prices sa P4 kada kilo ng kamatis napipilitan na lang ang mga magsasaka na ipamigay ang kanilang mga ani.

Ito’y makaraang magkaroon ng pagbaba at pagtaas sa presyo ng mga produkto. Nitong Enero, inulat ng Department of Agriculture na umabot ng P360 per kilo ang presyo ng kamatis habang P20 naman ang mga medium-sized na kamatis sa mga merkado sa Maynila.

Idiniin ni Padiernos ang kahalagahan ng epektibo at maayos na legislative measures upang matugunan ang kakulangan at mga suliranin sa farm-to-market system. Ang maayos na legislative measures ay makatutulong sa pantay-pantay na distribusyon ng mga kamatis at mapanatili ang presyo nito sa iba’t ibang rehiyon.

“Hindi dapat nangyayari ang ganitong oversupply o kakulangan ng ani sa isang agrikultural na bansang tulad ng Pilipinas. Kung mayroong maayos na pamamahala sa farm-to-market na inisyatiba ng gobyerno ay tiyak na matutulungan nito ang ating mga magsasaka,” sabi ni Padiernos.

Naniniwala ang nasabing partylist na ang ganitong agricultural logistics initiative ay makatutulong umano sa pagpapaunlad ng market access ng mga magsasaka at mapalakas pa ang agricultural resilience at food security ng bansa.

Pinabulaanan din ni Padiernos na ang presyo ng kamatis ay nagbago depende sa ani noong may mga bagyo kaya naman mas kailangan umano ng bansa ng mas epektibong storage systems para sa lahat ng produktong pang-agrikultura.

Nauna nang naghain ng iba’t ibang panukala ang 132 GP Partylist na naglalayong mapataas ang economic growth ng bansa sa pamamagitan ng sustainable agriculture.

Kasama na rito ang pagkakaroon ng waste-to-energy technologies, pagpapatayo ng industrial ecozones, at hatcheries upang masuportahan ang lokal na pagsasaka. RNT