PANGASINAN – Isinugod sa ospital ang isang lalaking estudyante matapos saksakin ng ice pick habang umiihi sa loob ng CR ng isang canteen sa Urdaneta City ng lalawigang ito kahapon, Mayo 11.
Ayon sa Urdaneta City Police Station, ang 19-anyos na biktima, walang asawa, college student, residente ng naturang lungsod.
Ang 42-anyos na suspek naman ay isang construction worker, residente rin ng Urdaneta City.
Sa inisyal na imbestigasyon, umiihi sa loob ng CR ng Kian Canteen ang biktima nang lapitan ng lasing na suspek at bigla na lang saksakin ng ice pick nang walang kadahilanan.
Nagtamo ng mga sugat sa kanang bahagi ng mukha at kaliwang kamay ang biktima na agad isinugod sa Urdaneta District Hospital.
Mabilis na tumakas ang suspek ngunit agad na naaresto sa isinagawang hot pursuit operation ng mga personnel ng Urdaneta CPS. Rolando S. Gamoso