MANILA, Philippines – Bawal pumasok at magtanong ang mga kinatawan ng European Union sa loob ng polling precinct sa araw ng halalan sa Mayo 12.
Ito ang iginiit ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia sa Meet The Manila Press forum nitong Huwebes, kasunod ng kanilang kahilingan sa komisyon bilang hakbang upang maprotektahan ang batas at soberenya ng Pilipinas.
Paliwanag ni Garcia, tanging mga electoral board members, support staff, poll watchers mula sa citizen arms, majority at minority party, at mga botante lamang ang pinahihintulutang pumasok sa loob ng precinct.
Sa nasabing forum, binigyang-diin ni Garcia na bagamat bukas ang Comelec sa internasyonal na pagmamasid sa proseso ng halalan sa bansa, hindi ito nangangahulugan na maaaring labagin ang umiiral na mga batas kaugnay nito.
Dagdag pa ng Comelec Chair, kahit pa may nagaganap na komosyon sa loob ng polling precinct, hindi basta-basta maaaring pumasok ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) nang walang pahintulot mula sa electoral board. Ayon kay Garcia, ang ganitong kilos ay hindi awtorisado at maituturing na election offense alinsunod sa batas. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)