MANILA, Philippines-Hinatulan ng mahigit isang daan taong pagkakulong ang dating opisyal ng binuwag na Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) dahil sa kasong katiwalian.
Sa 50 pahinang desisyon ng anti-graft court Sixth Division, napatunayang guilty si dating ARMM Department of Environment and Natural Resources (DENR) regional secretary Sultan Usman Tantao Sarangani sa 16 bilang ng katiwalian kaugnay sa pagbili ng office supplies noong 2010.
Sinabi ng korte na nakipagsabwatan si Sarangani kay dating regional accountant Nanayon Dibaratun sa pagbili ng office supplies at equipment mula sa mga kompanyang Iftizah Ayezah Enterprises at Ashley Ventures na nakarehistro kay Dibaratun.
Pinuna ng Sandiganbayan na ang isa sa naging transaksyon na umabot ng P596,98, ang biniling mga computer na lampas na sa maximum threshold sa “shopping” na isang paraan ng pagbili sa ilalim ng batas.
“The fact that the purchases of various office supplies and equipment were split into 16 separate transactions within three months — a relatively short period — shows the intent to circumvent the requirement of competitive bidding to favor Iftizah Ayezah Enterprises and Ashley Ventures. Had competitive bidding been conducted, other suppliers would have been given a chance to participate in the said procurements, and there was no guarantee that the contracts would be awarded to Iftizah Ayezah Enterprises and Ashley Ventures.”
Binigyan-diin ng korte ang halatang pagkiling nina Sarangani at Dibaratun para paboran ang Iftizah Ayezah Enterprises at Ashley Ventures.
Hinatulan si Sarangani na guilty beyond reasonable doubt sa paglabag sa Sec. 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaya hinatulan na makulong ng pitong taon sa bawat 16 bilang ng kaso.
Bukod dito, ipinataw rin ng korte ang pinakamabigat na parusa na perpetual disqualification sa paghawak sa anumang posisyon sa gobyerno. Teresa Tavares