Home NATIONWIDE Ex-BFP chief, nag-plead ng not guilty sa P4M graft case

Ex-BFP chief, nag-plead ng not guilty sa P4M graft case

1
0

MANILA, Philippines – Nag-plead ng not guilty si dating Bureau of Fire Protection (BFP) chief Jesus Fernandez sa graft case kaugnay ng umano’y P4 milyong suhol sa Sandiganbayan Third Division nitong Biyernes.

Binasa ni Third Division Clerk of Court Dennis Pulma ang sakdal kay Fernandez sa harap ni Associate Justice Ronald Moreno na namuno sa arraignment.

“I plead not guilty, your honors,” ani Fernandez.

Maghahain ang prosekusyon ng siyam na saksi, habang apat naman ang ihaharap ng depensa. Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Oktubre 21.

Ang P4 milyon ay bahagi umano ng kabuuang P14.752 milyong “commitment” na natanggap ni Fernandez mula kay Rosaverna Sangga kaugnay ng procurement ng BFP ng 132 ambulansya na nagkakahalaga ng P485 milyon.

Ayon sa kaso, si Sangga, kinatawan ng isang joint venture na may kasunduan sa BFP, ay umano’y nagbigay kay Fernandez ng P10.752 milyon noong Nobyembre 21, 2024 at karagdagang P4 milyon noong Setyembre 25, 2025.

Hindi kabilang si Sangga bilang co-accused sa graft case, ayon sa kanyang abogado na si Jhufel Brañanola.

Nahaharap si Fernandez sa tig-dalawang kaso ng graft at indirect bribery na nag-ugat sa dalawang transaksyon.

Ang graft case na may halagang P10.752 milyon ay unang isinailalim sa arraignment sa Sandiganbayan Second Division bago inilipat sa Fourth Division. Samantala, nakabinbin sa Fourth Division ang indirect bribery case kaugnay ng P4 milyon at sa Fifth Division naman ang kaso kaugnay ng P10.752 milyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here