Home NATIONWIDE Ex-military comptroller Carlos Garcia pinagmumulta ng Sandiganbayan ng higit P400M

Ex-military comptroller Carlos Garcia pinagmumulta ng Sandiganbayan ng higit P400M

MANILA, Philippines- Inatasan ng Sandiganbayan si retired military comptroller Carlos Garcia na magbayad ng kabuuang P407.8 milyon bilang multa matapos mahatulan noong 2022 sa kasong direct bribery at facilitating money laundering kaugnay sa ilegal na pagkamal ng yaman na aabot ng P303 milyon nang siya ay nasa militar pa noong 1993 hanggang 2004.

Sa 15 pahinang resolusyon ng Sandiganbayan Second Division, pinayagan ang mosyon ng prosecution panel ng Office to the Ombudsman na maglabas ito ng writs of execution upang mapilitan si Garcia na bayaran ang P406.3 milyong multa.

Hindi pinagbigyan ng anti-graft court ang argumento ni Garcia na ang nauna nitong ibinayad na P135.433 milyon kaugnay sa plea bargain agreement (PBA) sa Ombudsman ay dapat isama sa komputasyon.

“As discussed above, the amount of P135,433,387.84 surrendered to the Republic in accordance with the PBA was given by way of restitution for criminal acts and constitutes an admission of civil liability arising from the commission of a crime. As accused pleaded guilty to the crime of direct bribery, the Court is duty-bound to render the requisite penalty as dictated by law,” giit ng Sandiganbayan.

Wala ring nakitang merito ang korte sa inihayag ni Garcia na wala na siyang kakayahang magbayad matapos isailalim sa forfeiture ng gobyerno ang kanyang assets at properties.

Magugunita na Hulyo 5, 2022, hinatulan ng Sandiganbayan si Garcia sa direct bribery at pangangasiwa ng money laundering bunsod ng mga nakuha nitong kickbacks, komisyon at “shopping money o gratitude money” sa ilang government projects at transaksyon nang siya ay deputy chief of staff for comptrollership ng Armed Forces of the Philippines. Teresa Tavares