Home METRO Ex-Nueva Ecija solon lusot sa graft, malversation sa PDAF scam

Ex-Nueva Ecija solon lusot sa graft, malversation sa PDAF scam

MANILA, Philippines- Pinawalang-sala ng Sandiganbayan 6th Division si dating Nueva Ecija 4th District Rep. Rodolfo Antonino nitong Huwebes sa graft and malversation charges na kinahaharap niya hinggil sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam. 

Hinatulan ng anti-graft court si Antonino na not guilty sa mga kaso laban sa kanya, sa pagpalya ng prosekusyon na patunayan ang kanyang guilt beyond reasonable doubt.

Tanging ang dispositive portion lamang ng desisyon ang binasa sa promulgasyon at ia-upload pa ng korte ang desisyon sa website nito.

Naghain ang Office of the Ombudsman ng graft and malversation cases laban kay Antonino at dating agriculture secretary at Bohol 3rd District Representative Arthur Yap noong 2017.

Ibinasura ng korte ang kaso laban kay Yap, dahil umano sa “inordinate delay in the filing of the cases.”

Inakusahan sina Yap at Antonino ng “misuse” ng P14.55 milyon noong sa pamamagitan ng National Agribusiness Corporation (NABCOR) at Buhay Mo Mahal Ko Foundation para sa mga proyekto na napag-alamang “non-existent”.

Samantala, hinatulan naman ang NABCOR staff na si Encarnita Munsod ng guilty sa lahat ng counts.

Sinentensyahan siya ng 6 hanggang 7 taong pagkakakulong kada isang graft case, 10 hanggang 17 taon para sa isang kaso ng malversation at 6 hanggang 10 taon para sa isa pang malversation case.

Inatasan din siya na bayaran sa Bureau of Treasury ang kabuuang malversed fund na nagkakahalaga ng P14.55 milyon kasama ang interes.

Inihayag ng abogado ni Munsod na iaapela nila ang desisyon sa Korte Suprema. RNT/SA