SA natatandaan at pagbibilang ng ULTIMATUM, may tatlo nang mediamen ang pinatay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos.
Sina Renato Blanco sa Bais City, Negros Oriental, Percy Lapid sa Las Piñas City at Cresenciano Aldovino Bunduquin sa Oriental Mindoro.
KASONG RENATO BLANCO
Naganap ang pagpatay kay Blanco, anchorman ng 102.1 DYRY FM sa Binay Radio Station at residente ng Barangay 2, Bais City, Negros Oriental sa Brgy. Himucdungon ng nasabing lungsod noong Setyembre 18, 2022.
Nakikipag-usap si Blanco sa kaibigan niyang si Wilbert Amada ngunit humantong umano ito sa pagtatalo ng dalawa.
Dumating naman sa lugar si Charles Amada, kapatid ni Wilbert at dito na sinaksak sa likod si Blanco gamit ang 10 pulgadang kutsilyo.
Naitakbo naman sa Mabinay Community Hospital ang mediaman ngunit nalagutan na ito ng hininga sa daan pa lamang.
Maaari umanong isang ugat ng pagtatalo ang minsang pagbanat ni Blanco sa isang pamilya Amada sa radyo.
Kasong murder ang isinampa ng pulisya laban sa suspek.
KASONG PERCY LAPID MABASA
Pangalawang tinumba ngunit ng riding-in-tandem si Percy Lapid Mabasa, dating director ng National Press Club, kolumnista at brodkaster.
Nangyari ang krimen dakong alas-8:30 ng gabi sa gate ng BF Resort Village, Las Piñas City noong Oktubre 3, 2022.
Umamin sa krimen bilang gunman ang isang Joel Escorial at itinuro nitong nagrekluta sa kanya bilang middleman ang isang Jun Villamor na sinasabing pinatay naman.
Ngunit kabilang sa mga kinasuhan ang dalawang mataas na opisyal ng Bureau of Corrections.
Hindi pa nagpapakita ang mga kinasuhang sina ex-Bucor Chief Gen. Gerald Bantag at BuCor director for security and operations Ricardo Zulueta para maliwanagan ang pagsasangkot sa kanila sa krimen.
KASONG CRESENCIANO BUNDUQUIN
Ang brodkaster namang si Cresenciano Bunduquin ay tinumba ng riding-in-tandem sa harapan ng kanyang bahay sa Brgy. Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro kamakalawa.
Tinutugis pa ng pulisya ang gunman subalit namatay ang tsuper ng motorsiklo makaraang habulin at banggain ito ng sasakyan ng anak ni Bunduquin na si John Mark.
Nakilala ang namatay na suspek na si Narciso Guntang at nakatakas naman ang gunman na kinikilala tinutugis pa hanggang ngayon.
Dating anchorman sa DWXR 101.7 FM si Cris at meron din siyang online radio na radio MUX.
HARD-HITTING LAHAT
Sinasabing pawang mga hard-hitting ang mga napatay na sina Blanco, Mabasa at Bunduquin.
At pare-parehong nakatanggap ang mga ito ng mga pagbabanta sa kanilang buhay.
At dumating na nga ang mga kinatatakutan nilang mga pangyayari sa kanilang buhay.
Inaasahan nating lilitaw na pawang konektado sa trabaho ang pagpatay sa tatlong biktima ngunit, halimbawang personal man, katarungan pa rin ang inaasam nating makakamit ng mga ito.
oOo
Anomang reklamo o puna, iparating lang sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.