Home OPINION PANAHON NA

PANAHON NA

HINDI na nakapagpigil ang mga environmental organization o mga maka-kalikasang grupo.  Sa pagkadismaya nila sa mga pagkukulang ng gobyerno, partikular na ang Department of environment and Natural Resources, nanawagan sila na kailangan nang magbago ni Sec. Ma. Antonia Yulo-Loyzaga sa kanyang pagpapatakbo sa kagawaran.

Ayon sa mga grupong makakalikasan, kung hindi raw magkakaroon ng seryosong pagbabago, eh dapat ng magbitiw sa pwesto ang Kalihim.

Sa isang manifesto na inilabas noong Abril 24, 2024, inilista ng iba’t-ibang samahan mula sa Luzon hanggang sa mga isla ng Visayas ang kanilang mga reklamo laban kay Yulo-Loyzaga.

Hinamon nila ang Kalihim na lumabas sa kanyang opisina at harapin ang mga apektadong komunidad.   Hindi raw nararamdaman ang presensya ng kalihim sa mga lugar kung saan kailangan ang mabisang pamumuno niya.  Kasabay nito ay dapat daw na patibayin sa loob ng DENR ang ‘transparency’ at ‘accountability’, lalo na nga ang patuloy na pagdami ng mga iligal na pagmimina at mga istruktura sa loob ng protected areas, tulad ng nangyari sa Bohol at sa Masungi Georeserve sa Rizal.

Kailangan din daw na paigtingin ng DENR ang seryosong pagpapatupad ng mga maka-kalikasang batas natin.  Bagamat ang PIlipinas ang halos nangunguna sa buong mundo sa napakaraming batas at patakaran para sa kalikasan, kulelat naman tayo sa wasto at angkop na pagpapatupad ng mga ito.  Buhay na buhay ang karanasan na ito sa mga apektadong mangingisda sa Zambales at mga katutubo na tinamaan ng Kaliwa Dam sa Quezon.

Naglabas din na sama ng loob ang mga kinatawan ng mga isla ng Homonhon at Manicani sa Eastern Samar.   Naniniwala sila na puro byurukrasya ang humarap sa kanila sa maraming taon na nagreklamo sila laban sa pagmimina sa kanilang mga isla.

Ang panawagan na magbitiw s’ya sa pwesto ay kasunod din ng ‘expose’ ng kolumnistang si Jarius Bondoc sa diumano ay “conflict of interest” ni Yulo-Loyzaga sa pagmamay-ari ng kanilang pamilya sa Yulo King Ranch sa Palawan, na nakapaloob sa isang protected area.

Gagamitin ko na ang direktang panawagan ng environmental  groups.  Anila,  “ang ating kapaligiran ay hindi dapat maging biktima ng hindi epektibong pamumuno at personal na adyenda”. Panahon na para kay Kalihim Yulo-Loyzaga na magbago nang radikal sa kanyang pag-uugali o magbitiw na para sa ibang taong mas may kakayahang gumawa ng kinakailangang mga pagbabago.