Home OPINION KAKAIBANG INIT NG PANAHON

KAKAIBANG INIT NG PANAHON

LALO pang tumitindi ang sikat ni ‘Haring Araw’ habang tumataas naman ang mga lugar na apektado ng napakainit na panahon kung saan hindi maiwasang suspendihin ang klase sa iba’t-ibang lugar sa bansa upang maprotektahan ang mag-aaral lalo na mga kabataan.

Batay sa report ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration o PAGASA, naglalaro sa 40 hanggang 45 degrees na temperatura ang naranasang init ng taumbayan sa ilang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao habang inaasahan umano na papalo pa ito ng 50 degrees sa darating pang mga araw.

Ayon sa ulat ng Department of Agriculture, umabot na sa P4 bilyon halaga ng pananim, livestock at poultry ang nasira mula nang tumama ang El Nino sa bansa kaya naman kaliwa’t kanang ayuda ngayon ang ipinamimigay ng gobyerno sa mga magsasaka para maibsan ang nararanasang pagkalugi sa kanilang kabuhayan.

Ramdam din ng ordinaryong mamamayan ang kakaibang tama ng kwaresmang apektado na rin ang maliit na pinagkakakitaan nila kagaya ng mga pumapasada ng dyip at tricycle kung saan hindi makumpleto ang buong araw na paghahanap-buhay bunsod sa grabeng init ng panahong marami na ang napaulat na inaatake sa puso.

Kalusugan at kabuhayan ang tinamaan ngayon ng kalamidad na itong malaking kwarta na ang nalulugi ng pribadong sektor at pamahalaang ang ugat ayon sa mga sayentipiko ay climate change at global warming.

Bagaman sadyang masalimuot ang mga usapin na ito subalit unawa ng kasalukuyang administrasyon na panahon na para gumawa ito ng mga hakbang upang labanan ang sobrang pag-init ng panahon na matindi na ang epekto sa sambayanan.

Kagaya nang paghihikayat ni PBBM sa mga dayuhang negosyanteng tumaya sa mga renewable energy at iba pang pamamaraan ng power supply na hindi makasisira ng kalikasan.

Marami pang kailangan gawin ang pamahalaan sa tulong ng mga pribadong indibidwal at mamamayan upang labanan ang kalamidad na itong perhuwisyo na sa nakararami ang napakainit na panahon.

Pagtitipid ng tubig at kuryente, pagtuldok sa malawakang open pit mining at pagtatanim ng puno ang ilan lang sa mga paraan upang maibsan ang tama ng El Nino sa mga kababayan.