Home METRO Pumatay sa kawani ng unibersidad tinutunton na ng awtoridad

Pumatay sa kawani ng unibersidad tinutunton na ng awtoridad

ISULAN, Sultan Kudarat – Pinaghahanap ng mga awtoridad ang dalawang person of interest sa pagpatay sa isang kawani ng unibersidad na ang bangkay ay natuklasan sa kahabaan ng Ala River nitong Miyerkules, Abril 3.

Kinilala ng pulisya ang napatay na biktima na si Jonji Imperio, 42, binata, at empleyado ng Sultan Kudarat State University (SKSU).

Sinabi ni Lt. Colonel Julius Malcontento, hepe ng Isulan municipal police, may mga saksak sa leeg at ulo ang biktima at natagpuang lumulutang sa tabi ng Alah River sa hangganan ng Barangay Biwang, Bagumbayan, at Barangay Dansuli, Isulan, kapwa sa Sultan Kudarat.

“May nakitang kutsilyo sa kusina malapit sa pinangyarihan ng krimen,” sabi ni Malcontento sa isang panayam noong Huwebes.

Natagpuan ng mga lokal na magsasaka ang bangkay ng biktima alas-8:30 ng umaga noong Miyerkules, dagdag niya.

Kinondena ng pamunuan ng SKSU ang pag-atake laban kay Imperio, isang staff ng graduate school department ng unibersidad. RNT