Home NATIONWIDE Lider ng transport group pinakakasuhan ng cyber libel ng DOJ

Lider ng transport group pinakakasuhan ng cyber libel ng DOJ

MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Department of Justice (DOJ) na makasuhan ng cyberlibel ang Presidente ng grupong Manibela na si Mar Valbuena.

Sa 17 pahinang resolusyon ni Assistant Prosecutor Maria Kristhina Paat-Salumbides, nakitaan ng sapat na batayan para mapanagot sa dalawang bilang ng kasong paglabag sa Cyber Crime Prevention Act laban kay Valbuena.

Una nang inakusahan ni Valbuena si Transportation Secretary Jaime Bautista na sangkot sa umano’y katiwalian sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Si Bautista ay sinasabing tumangap ng multi milyong piso na suhol para makuha ang pag-apruba ng LTFRB franchises lalo na sa modern jeepneys.

Inireklamo ni Bautista si Valbuena dahil sa malisyoso umano nitong pahayag na layon sirain ang kanyang malinis na track record at integridad.

Napatunayan ng DOJ na libelous ang pahayag ni Valbuena dahil malisyoso nitong pinaratangan si Bautista na nakagawa ng korupsyon na nagdulot ng kahihiyan at pagsira ng kredibilidad ng complainant.

Ayon sa DOJ, makikita sa ebidensya na ang ‘libelous’ na pahayag ni Valbuena ay naisapubliko sa pamamagitan ng telebisyon at sa internet.

Samantala, ibinasura ng DOJ ang reklamong grave threat laban kay Valbuena.

Naniniwala ang DOJ na ang naging pahayag ni Valbuena na “sasagasaan ka naming ng jeep namin ay hindi isang banta sa buhay ni Bautista bagkus ay paghamon dito. Teresa Tavares