Home OPINION MAY 10-13 BAGYO SA MAYO-OKTUBRE 2024

MAY 10-13 BAGYO SA MAYO-OKTUBRE 2024

KAMAKALAWA, mismong ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang nagsabing may darating na mga bagyo sa Pilipinas mula Mayo hanggang Oktubre 2024.

Maaaring 1-2 bagyo ang papasok sa bansa Mayo at Hunyo habang maaaring may 3 bagyo kada buwan sa Hulyo, Agosto at Oktubre.

Ayon pa sa PAGASA, sa nakalipas na halos 80 dekada, unang pumapasok ang mga bagyo sa Visayas saka patungo sa Luzon at sa Hunyo, daraan sa Gitnang Silangan patungo sa hilaga o north Luzon.

Maaaring ganito rin ang mangyayari sa buwan ng Hulyo.

Karaniwan namang tinatamaan ng bagyo sa buwan ng Oktubre ang Luzon at Visayas.

Sa mga panahon ding ito, maaaring mabuo na, mga 60 porsyento, ang La Niña sa Hunyo hanggang Agosto bagaman maaaring kaunti pa lang ang pag-ulan sa Hunyo at Hulyo, ayon kay PAGASA senior weather specialist Remedios Ciervo.

MGA BAGYO DARATING

Sa nasabing tantiya ng panahon ng PAGASA, pinakamahalaga ang sinasabing pagdating ng mga bagyo.

Dalawang bagay ang mahalaga: May super bagyo bang maulan o ordinaryong bagyo na maulan din?

Mahalaga ang mga tanong na ito dahil tiyak na lilikha ng mga baha ang mga ito.

At kung lilikha ang mga baqyong ito ng super baha, ano ang mga mangyayari?

Imadyinin na lang na magtatagal ang bagyo sa loob ng isa o dalawa o tatlong araw, katakot-takot na pinsala sa buhay at ari-arian ang ibig sabihin niyan.

Kasama na rin kasi riyan ang mga landslide na nakamamatay.

Tatandaan na kung walang mamatay sa lakas ng hangin ng bagyo at sobrang taas ng baha, sa mga landslide naman nasasawi ang iba.

MGA MAPAMINSALA

Karaniwang bago dumating ang mga bagyo at baha, nakagagawa na ang pamahalaan at mamamayan ng mga paghahanda gaya ng pagbabakwit patungo sa mga ligtas na lugar.

Maganda karaniwan ang ibinubunga ng mga ito.

Naliligtas ang maraming mamamayan sa mga kapahamakan o panganib.

Kakaunti ang mga nasasawi at nagkakasakit.

Pero pagbalik ng mga nagbakwit sa kanilang mga tahanan, naririyan ang mga nadadatnan nilang mga kasiraan: wasak na tahanan, patay ng mga alagang hayop, sirang mga pananim, sirang mga pundar sa mga kalunsuran gaya ng mga negosyo, sasakyan at iba pa.

Walang makalilimot sa mga naganap sa bagyong Ondoy sa Meto Manila at sa mga bahang nilika nito, gayundin ang bagyong Yolanda at nilikha nitong tsunami at baha sa Kabisayaan at marami pang malalakas na bagyo na may kakambal na baha sa north Luzon at sa Mindanao.

Sumira ang mga ito ng hindi masukat na buhay at ari-arian.

Lumikha ang mga ito ng kasiraang deka-dekada ang kailangang lumipas bago makabalik sa normal na buhay ang mga biktimang mamamayan.

At naapektuhan din ng labis maging ang pamahalaan sa pagtulong sa mga mamamayan na bumangon mula sa pagkakalugmok.

Maghanda-handa na ulit sa mga super bagyo, super ulan at super baha.