Home NATIONWIDE Ex-OWWA admin Ignacio sa ₱1.4-B land deal: Wala akong kinita rito

Ex-OWWA admin Ignacio sa ₱1.4-B land deal: Wala akong kinita rito

456
0

MANILA, Philippines – Itinanggi ni dating Overseas Workers Welfare Association (OWWA) administrator Arnell Ignacio ang mga alegasyon ng anomalya sa ₱1.4-bilyong land deal ng ahensya.

Ayon sa kanya, dumaan ito sa OWWA board at sinuri ng mga technical working group.

“Ito po ay dinala namin sa board bilang report ng OWWA, at binusisi ng ilang technical working group na binuo din ng ating chairman Secretary Hans Cacdac na kaibigan ko… Walang nakitang iniliban na hakbang,” aniya pa.

“Lahat ng mga requirements sinunod at sinabing maayos ang aming pagkakasunod sa RA 10752… kaya ako gulat na gulat na tinawag itong anomalous deal,” dagdag pa niya.

Iginiit niyang wala siyang kinita sa transaksyon.

“Napakabigat. Pagkatapos, napakaraming alegasyon sa akin. Saan nanggaling? Sa isang papel na walang nakapirma? Na andami daming sinabi na kinita ko? Pati nga yung numero, di na nga magkasundo kung magkano. Wala po akong kinita dito,” giit pa ni Ignacio.

Ang lupa ay 6,499 sqm malapit sa NAIA Terminal 1 at planong gawing halfway house para sa mga OFW.

Ayon kay Ignacio, LandBank ang nagtakda ng halaga nito.

“As our government financial institution, it’s the LandBank who assessed the value, and it is exactly the amount that OWWA paid. At sana man lang, binigyan ako ng pagkakataong makausap. Nagulat na nga lang po ako na isang araw, pinatawag ako na ako ay papalitan… ‘Yun po ang nangyari dito, di ko po ito itinago. Ito pong ganitong kagandang transaksyon, bakit namin itatago ito?” dagdag pa ni Ignacio.

Labis daw siyang nagulat sa kanyang biglaang pagkasibak at umaasang magagamit pa rin ang lupa para sa mga benepisyaryo ng OWWA. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here