Home METRO Ex-parak, kasabwat na nagpanggap na aktibong pulis kalaboso

Ex-parak, kasabwat na nagpanggap na aktibong pulis kalaboso

MANILA, Philippines- Arestado ang isang dating pulis na pinatalsik sa serbisyo at isang sibilyan sa Maynila dahil sa umano’y pagpapanggap na police officers, ayon sa ulat na ibinahagi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Maj. Gen. Anthony Aberin nitong Martes.

Naharang ang dalawa at kanilang driver, sakay ng sasakyan, sa isang checkpoint sa kahabaan ng Yuchengco Street sa Binondo nitong Lunes ng umaga.

Nakasuot umano ng police uniforms ang dalawa at nagpakilalang mga tauhan ng Quezon City Police District.

“The officers requested the suspects to present necessary documents such as coordination papers and police identification cards, however, they failed to present any,” saad sa report.

“Upon verification, it was discovered that the first suspect had been dismissed from the police service in 2022, while the second suspect was found to be an impostor who had never been a member of the Philippine National Police,” dagdag pa.

Gayundin, sa police report, namataan umano ang isang hand grenade mula sa cup holder ng sasakyan, dahilan upang arestuhin ng mg pulis ang dalawang indibidwal at kanilang driver.

Narekober din ng mga awtoridad ang caliber 9mm pistol na may magazine na may 15 live ammunition, caliber .45 pistol na may 11 live ammunition, caliber .38 revolver na may dalawang live ammunition, hand grenade, at dalawang set ng police patrol uniforms mula sa tatlong suspek.

Iteturn-over ang mga nakumpiskang baril sa Manila Police District Forensic Unit para sa ballistics examination.

Susuriin din ng mga awtoridad ang Regional Civil Security Unit upang malaman kung ang mga suspek ay mayroong Commission on Elections (Comelec) exemption to carry firearms sa kasagsagan ng election period.

Samantala, ang sasakyan ng mga suspek ay nasa kustodiya na ng kapulisan, at nadiskubre ang dalawang pares ng license plates sa loob ng kotse.

Nahaharap ang mga suspek sa reklamong usurpation of authority at illegal use of uniform or insignia, maging paglabag sa Firearms and Ammunition Regulation Law in relation to the Omnibus Election Code. RNT/SA